By: Angelo Gamalindo, Raye Sanchez
Likha ni Kevin Robles
Ang wikang Filipino ba ay atin pang pinahahalagahan? Nabibigyang pansin pa ba ito? At kung magiging wasto pa ba ang paggamit ng wikang Filipino ng mga susunod na henerasyon?
Ito ay ilan lamang sa mga tanong na pumapasok sa ating isipan tuwing tayo ay nakaririnig ng mga Pilipinong bihasang-bihasa sa pagsasalita ng wikang banyaga. Humahantong pa nga sa isang pagkakataon na kung saan tayo mismo ang nagiging banyaga sa sarili nating wika.
Simula noong inaprubahan ni dating pangulong Benigno Aquino III ang programang K-12, nagkaroon ng pagbabago sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas, bilang tugon sa napapanahong sistema ng edukasyon sa iba’t ibang bansa. Ito rin ang dahilan kung bakit kailangan din baguhin at ayusin ang kurikulum para sangayunan ang nararapat na matutunan ng mga estudyante sa kasalukuyang panahon.
Noong taong 2013, napagdesisyonan ng Commission on Higher Education (CHED) na magtanggal ng anim na yunit ng Filipino para sa papasok na mag-aaral ng kolehiyo sa taong 2018. Ang CHED Memorandum Order (CMO) bilang 20 serye 2013 ay naglalayong gawing 36 yunits ang orihinal na 63 yunits ang General Education kurikulum para sa kolehiyo na siyang naging sanhi ng pagkakadismaya ng mga ilang propesor sa Filipino.
Si Dr. Randy Din, isang propesor sa Colegio na eksperto sa wikang Filipino, ay hindi sumasang-ayon sa panukalang ito. Aniya kung sakaling itiwalag ang asignaturang Filipino sa kolehiyo ay magkakaroon ng malaking epekto ito sa mga estudyante.
“Unang-una, hindi na nila [mga mag-aaral] malalaman ang tamang paggamit ng wika at lalong lalala ang hindi pagkaka-alam nito. Hindi na uunlad pa lalo ang wikang Filipino dahil nahinto na siya [sa pagturo] kasi isa sa paraan ng pagpapalaganap nito ay sa pamamagitan ng pag-gamit sa eskwelahan pero kung ito ay ititigil, pano pa ito uunlad?” tanong ni Din. Dagdag pa niya, maaring pagdudahan ng nakararami ang ating pagka-makabayan. “Isa sa paraan para makita ang ating pagiging makabayan ay ang pag-gamit ng ating sariling wika sa komunikasyon.”
Ayon pa sa kanya, malaki ang magiging epekto nito hindi lamang sa mga estudyante pati na rin sa mga gurong dalubhasa sa nasabing asignatura. At kung sakaling ituloy nila ang pagtanggal ng Filipino sa kolehiyo ay mawawalan ang mga guro ng Filipino ng trabaho.
Noong nagdesisyon ang CHED na tanggalin ang asignaturang Filipino, mayroong mga guro na nagawang ipaglaban ang kalagayan na ito.
Ang Tanggol Wika, isang organisasyon na pinangungunahan ni Dr. David San Juan na galing sa De La Salle University at iba pang mga guro sa Filipino sa bawat lugar sa Maynila ay nagtipon upang mapanatili ang Filipino sa pag-aaral sa paparating na mga estudyante sa kolehiyo.
Ang mga kasapi ng organisasyon ng Tanggol Wika ay agad na nakipag-ugnayan sa CHED patungkol sa nasabing memorandum. Dito naipagtanggol ng Tanggol Wika ang sariling atin. Samantala, noong Abril 2015, naghain ng Temporary Restraining Order (TRO) ang Korte Suprema panandaliang pahintuin ang layunin ng CHED na tanggalin ang asignaturang Filipino hangga’t wala pang pormal na hatol kung nararapat ba nila itong isagawa o hindi.
Ikinatuwa ng grupo na nirespeto ng CHED ang desisyon ng korte at hinihiling din nila na ang huling desisyon ay maging pabor sa kagustuhan nilang mapanatili ang ating sariling wika. At nito lamang Hunyo ng taong ito, napagdisesyonan ng CHED na hindi na lamang tanggalin ang Filipino sa kurikulum ng mga papasok na estudyante ng kolehiyo.
Ayon sa ulat ng Philippine Daily Inquirer, sinabi ni CHED Commissioner Prospero De Vera III na ang napagisipan noo’y maaari nang ituro ang Filipino sa mga estudyante ng Senior High School upang hindi na ito maisama pa sa level ng unibersidad. Ngayon ay gumagawa na ng bagong kurikulum ang CHED na maiimplementa sa 2018.
Tuwing Agosto ay ipinagdidiriwang natin ang Buwan ng Wika kung saan binibigyan natin ng kahalagahan at pansi hindi lamang ang ating wika pati na rin ang ating pagiging Pilipino. Dito rin natin inaalala ang ating mga ninuno na nanguna at nagtanggol sa ating wika. Tulad na lamang ni Jose Rizal, Manuel L. Quezon at marami pang iba. Magagawa pa rin ba nating maipreserba ang kanilang pinahirapan at ipinaglaban? Magagawa pa rin ba nating bigyang importansya ang sariling atin kahit ang panahon ngayon ay mabilis nang nagbabago?
Ang pagtanggol ng ating mga kababayan sa pagpapanatili ng Filipino sa kurikulum ay isa lamang patunay na tayo ay mayroon paring respeto sa ating kultura at pagmamahal sa kinagisnang wika na siyang naging parte at humulma ng ating kasaysayan, kultura, at pagka-Pilipino.