Cartoon by Claire Aguilar
Ang baybayin ay ang sinaunang pamamaraan ng pagsulat ng ating mga ninuno. Bago pa man tayo naimpluwensiyahan ng wikang nagmula sa mga dayuhang Kastila, ang baybayin ay naghatid na ng malaking atensyon sa pagiging malikhain ng mga sinaunang tao ng ating bayan. Hindi maikakaila na ang baybayin ay isang malaking handog ng ating mga ninuno sa kulturang Pilipino.
Kasabay ng bugso ng makabagong panahon ay ang pag-usbong ng iba’t mga paraan upang ating ipahayag ang gusto nating sabihin. Ilang taon na marahil ang lumipas nang mauso ang jejemon o ang pagpapasok ng mga numero at simbolo sa bawat salita, at ang bekimon o gay lingo sa Ingles. Hindi maikakaila na sa panahong ito, mahirap nang paghaluain pa ang bago at ang primitibo.
Sa mga magdaraan pang panahon ay may uusbong muling mga bagong pamamaraan ng pagpapahayag ng mensahe. Ang mga kabataan, bilang likas na ang pagiging makabago at malikhain, ay tiyak na makalilimot na sa natatagong yaman ng ating kultura.
Bagamat ganito ang nagaganap, naniniwala pa rin ang The LANCE na kaya pang mamulat ng mga Pilipino sa magandang kultura na tila ay hindi na naisalin pa sa ating makabagong mundo. Ang baybayin, bilang isang mahalagang uri ng sining ay marapat lamang na bigyan ng atensyon sa pamamagitan ng pagsama nito sa kurikulum ng mga estudyante mula sa mga pampubliko at pampribadong paaralan.
Kaisa ng The LANCE ang mga taong naglalayong magkaroon ng baybayin na kurso para sa mga batang Pilipino. Ang pagmamahal sa kultura at wika, kailanman, ay ang tanging pamantayan sa pagiging tunay na Pilipino; nawa’y alalahanin natin ang mahahalagang yaman na mayroon tayo bago pa ito tuluyang malimutan at manatili na lang sa kasaysayan.
Kung nagawa ng iba’t-ibang institusyon na ipasok ang pag-aaral ng banyagang wika kagaya ng Ingles, Nippongo, Italian, Español, at iba pa, ano ang nag-uudlot sa atin upang bigyan naman ng karampatang pansin ang sarili nating kultura? Nakapagtataka, tayo pa ang nagiging banyaga sa sarili nating wika.
Ang wika ng ating bayan, bagamat maaaring matutunan sa maraming pamamaraan, ay mas mapagyayaman pa kung ang baybayin ay makararating sa loob ng apat na sulok ng silid aralan.
Ang baybayin, kapag ating ginamit, ay magbibigay ng sariling pagkakakilanlan sa pamamaraan natin ng pagsusulat. Ang mapagyaman ito ay isang malaking pribilehiyo para sa mga naniniwalang kayang-kaya makipag-sabayan ng Pilipinas sa iba pang mga bansa.
Mula noon, hanggang ngayon, ang mapagtibay ang kulturang Pilipino na ang naging layunin ng The LANCE sa tuwing sasapit ang buwan ng Agosto. Para sa taong ito, kami ay naghahatid ng mensahe na tiyak na kakatok sa kaisipan at siyang gigising sa kamalayan ng mga Letranista.
Sa mga susunod pang buwan, hinahangad ng The LANCE ang pag-usbong ng kulturang Pilipino. Kasabay ng aming espesyal na paglalathala ng walong pahinang pahayagan na ito, nais namin simulan sa pamamagitan ng pag sang-ayon na magkaroon ng pagtuturo ng baybayin sa mga silid aralan sa buong Pilipinas.
(Naunang inilathala sa aming Buwan ng Wika Espeyal na Isyu.)