Madalas na itinuturo sa mga paaralan ang iba’t-ibang gramatika at bokabularyo ng wikang Filipino. Simula noong tayo ay nasa mababang baitang pa lamang ng pagiging estudyante ay mayroon na tayong mga guro na nagtuturo ng ating wika. Sa kabila nito ay kapansin-pansin na marami rin ang hindi bihasa sa paggamit ng wikang Filipino. Bagamat ginagamit natin ito sa pang-araw-araw na pamumuhay at pakikipagtalastasan, maraming Pilipino pa rin ang hindi maalam sa wastong paggamit nito.
Lingid sa kaalaman ng iba, nakaugat sa mahabang pakikibaka para sa pagkakakilanlan ng Wikang Pambansa ang pagkakaiba sa baybay at titik ng ilan sa mga salitang Filipino.
Sa panahong ito kung saan laganap na ang paggamit ng social media, sino pa kaya bukod sa mga nag-aaral ng lingguwistika ang may oras upang alamin at aralin nang matiwasay ang wikang Filipino?
PAG-UNAWA SA IDENTIDAD
Idiniin ng isang mag-aaral ng Master of Arts in Philippine Studies mula sa Unibersidad ng Pilipinas na si Jerome Lucas ang dalawang dahilan kung bakit malaki pa ang natitirang espasyo ng pag-unlad sa ating wika: pagtanggap ng maraming salita na kalaunan ay nagiging bahagi ng ating talasalitaan at patuloy na pagtangkilik sa wikang banyaga.
Paliwanag niya, “Kung walang direksyon ang paggamit ng wikang Filipino, mawawalan tayo ng disiplina sa pagsusulat at pagbabasa. Mawawalan tayo hindi lang ng identidad bilang Plipino kundi mawawalan ng porma at antas ang ating wika.”
Binanggit naman ni Jasper Lomtong, isang guro ng Filipino mula sa Senior High School Department ng Colegio de San Juan de Letran, na ang paggamit o pagiging maalam sa ating wika bilang Pilipino ay malaking bagay upang makaapekto sa ating pakikipag-ugnayan.
“Bago natin pag-aralan o bago natin lubusang tanggapin ang dayuhang wika, dapat alam natin o napag-aralan nang maigi kung ano talaga ang wikang Filipino,” dagdag pa nito.
PAGTATAMA SA MALING BALARILA
Bilang pagdiriwang sa Buwan ng Wika noong Agosto 2014, inilunsad ng Presidential Communications Development and Strategic Planning Office (PCDSPO) ang WIKApedia – isang pribado at non-profit na Facebook page na naglalayong palaganapin ang wikang Filipino sang-ayon sa Saligang Batas 1987.
Bukod sa pangunahing layunin ng proyektong ito, ang WIKApedia ay isang kalipunan ng mga aralin na nagbibigay ng pamantayan hinggil sa wastong paggamit ng wikang Filipino na nagnanais maghain ng isang lunan para sa makabuluhang usapin.
Ilan sa mga halimbawang nakuha mula sa WIKApedia page ay ang mga sumusunod:
1. KUMUSTA HINDI KAMUSTA
- Inangkin natin ang salitang ito mula sa Espanyol na “como esta” na kalaunan ay naging Filipinong kumusta.
2. ‘DI BA O DI BA HINDI DIBA
- Ito ay nagmula sa dalawang salita na: hindi ba?
- Maaaring paikliin ang hindi bilang: ‘di (pormal) o di (medyo pormal)
3. IBA’T IBA HINDI IBA’T-IBA
- Ang iba’t-iba ay pinaikling iba at iba. Hindi ito umuulit na salita dahil sa at kaya wala na itong gitling.
4. MAAARI HINDI MAARI
- Ang ibig sabihin nito ay “puwede”, maraming ari [ma + ari] at di-sadyang naari o naangkin ang isang bagay [ma + ari]
5. PA RIN HINDI PARIN AT NA LANG HINDI NALANG
- Ang pa at rin at na at lang ay dalawang magkaibang mga salita
Samantala, sinabi naman ni Lucas, “Pinakabiktima ng maling paggamit ng mga balarila ay ang nang at ng. Ginagamit ang nang bilang kasingkahulugan ng noong, para at upang. Samantalang ang ng naman ay ginagamit tuwing sinusundan ito ng pangngalan (noun).”
Ayon naman kay Lomtong, ang ilan sa mga nasabing halimbawa kung tutuusin ay maliliit na salita lamang. Bagkus, pinuna nito ang maling paggamit ng mga karaniwang parirala na akala ng nakararami ay wasto.
“Tulad nalang ng salitang tubig-ulan, na kung aalalahanin ko ang sinabi ng aking propesor noon, [isang batikang manunulat] wala namang karaniwang pinagmumulan o pinanggagalingan ang ulan kundi tubig,” ani ya.
“Kaya hindi na kailangang tukuyin pa bilang ‘tubig-ulan’ kung maaari namang tawaging ulan nalang,” paglilinaw nito.
PAGPAPAYAMAN SA WIKA
Sa kabuuan, naniniwala si Lucas na malayo na ang narating ng wikang Filipino at tunay nga na marami pa rin sa atin ang nagkakamali at marahil dahil narin sa paniniwala nitong flexible ang ating wika ngunit para sa kanya, mahalaga pa rin ang na pagsasaalang-alang sa pamantayan nito pasulat o pasalita man.
“Mahalaga ang pamantayan [sa wikang Filipino] dahil marami pang mga Pilipino ang mag-aaral nito, marami pang mga dayuhan ang paiibigin nito at marami pa tayong pag-aaralan sa kung gaano ito kalalim at gaano ito kahalagang sangkap ng ating kultura at lipunan,” pagtatapos ni Lucas.
Para naman kay Lomtong, “Bilang isang mamamayan ng Pilipinas, mahalaga na habang lumalaki o nabubuhay tayo sa bansa natin ay alam natin ang mga pamantayan.”
Marahil, marami sa kabataan ngayon ang nagnanais matuto o maging bihasa sa wikang banyaga at wala namang masama roon. Hindi maikakaila na mahalaga ang matuto ng ibang wika, partikular na ang Ingles upang makipagtalastasan sa ngayo’y globalisadong nang mundo ngunit mas mahalaga sigurong bigyang-pansin muna ang pagmamahal sa ating wikang pambansa.
Bilang Pilipino, hindi dapat natin pinagwawalang-bahala ang ating tungkulin na ugaliin, palalimin, at payabungin ang pang-araw-araw na gamit ng wikang atin.
Kung ikaw ang tatanungin, alam mo ba kung bakit Filipino ang iyong wika?
(Naunang inilathala sa aming Buwan ng Wika Espeyal na Isyu.)