Letran Filipiniana Dance Company noong kanilang ika-10 anibersaryo. Mga Larawan mula sa Letran Media Center Photography.
Ang Pilipinas, bukod sa pagiging kilala sa iba’t-ibang larangan tulad ng palakasan, panitikan at musika, ay isa sa rin sa mga bansang nagpapakita ng pagka-giliw sa sining sa pamamagitan ng pagsayaw. Ngunit sa paglipas ng panahon, kasama na rin ng pagsakop ng mga banyaga, umusbong ang iba’t ibang uri ng sayaw na salungat sa ating nakasanayan.
Makikita ang impluwensya ng mga banyagang sayaw sa mga kabataan. Maging sa mga paaralan, unti unting nawawala ang mga grupong kultural at patuloy ang pag-usbong ng iba’t ibang modernong grupo.
Gayon pa man, mayroon pa ring mga samahan ang patuloy ang pagtangkilik sa mga tradisyunal na sayaw. Isa na rito ang natitirang grupong kultural sa Intramuros, ang Letran Filipiniana Dance Company (LFDC).
Pinangungunahan ni G. Randy A. Lero, itinatag ang grupo noong Pebrero 17, 2007. Dahil na rin kabilang sa mga pinaka-matatandang kolehiyo sa bansa ang Letran, napagtanto ni Lero ang kahalagahan ng pagbuo ng isang grupo na siyang kakatawan at magpapamalas ng kultrurang Pilipino sa mga banyaga.
Nag-umpisa lamang ang nasabing organisasyon sa labinlimang miyembro; ngayon, patuloy ang pagdami ng mga kabataan na tumatangkilik sa LFDC.
“May mga grupo na nawala na, pero depende pa din kasi sa humahawak kung nandoon pa din ‘yung sprit mo to support, ibangon ‘yung kultrura ng Pilipino kahit anong crisis ang mangyari sa grupo,” sabi ni Lero.
Sa katunayan, sila ay kinikilala bilang pinaka-malaking organisasyon sa Colegio na nagdiwang ng ika-sampu nilang anibersaryo nito lamang Pebrero.
KULTURANG PILIPINO SA IBANG BANSA
Hindi lamang sa Colegio ipinamamalas ng grupo ang kanilang galing, maging sa mga karatig bansa ay patuloy ang kanilang pagbabahagi ng mga katutubong sayaw.
Taon-taon ang pagbisita ng Letran Filipiniana sa Japan. Naging kasangga ng grupo ang Kawachinagano International Friendship Association (KIFA) sa pagpapalitan ng pagpapakita ng kultura ng dalawang bansa. Sa tulong din ng KIFA, ipinakilala ang LFDC sa International World Program sa Osaka City.
“Di nawawala ‘yung palakpak, ‘yung appreciation lalo kang gaganahan. May tatak na talaga ng Letran,” ani ni Lero.
Lumahok din ang grupo sa International Summit sa Bandung, Indonesia. Kalaban ang mahigit 25 na mga bansa, mababatid ang kaba sa mga Letranistang mananayaw ayon kay Lero. Gayon pa man, nagawa pa ding maiuwi ng LFDC ang Angklung Medal of Honour.
“Iba ang mga Pilipino ‘pag nag-perform na, sa costume pa lang, sa galaw pa lang,” sabi ni Lero. Dagdag pa niya, “Sinasabi ko din naman palagi sa mga dancers ko, ‘wag kayo magpapatinag kung ano man ang nakikita niyo.”
LFDC BILANG INSTRUMENTO
Ang kamalayan ng mga susunod pang henerasyon, hindi lamang sa mga tradisyunal na sayaw kung ‘di sa iba pang sining at kultura mayroon ang Pilipinas, ang malinaw na layon ng grupo.
Bilang halimbawa sa mga kabataan, bawat isang kasapi ng LFDC ay natutong isabuhay at pahalagahan ang pagtingin sa kanilang pinaggalingan.
Isa na dito si Isabel Alves, ang dating presidente ng grupo. Ayon kay Alves, “Sobrang ganda ng cultural heritage na meron ang Pilipinas at isa dito ay ang sarili nating tradisyunal na sayaw. Hindi lamang ito sumasalamin sa kung ano ang mga Pilipino kung ‘di ito din ay tatak kung gaano kayaman ang kultura na mayroon tayo.”
Dahil sa sigasig na ipinapakita ng mga ito, kabi-kabila ang mga imbitasyon na kanilang natatanggap hindi lamang sa Pilipinas pati ibang bansa.
Sa susunod na taon, layon ng grupo na makapunta ng Canada at USA upang palawakin ang kanilang sakop hindi lamang sa Asya.
Para naman sa kanilang ika-11 na anibersaryo, magdaraos ng konsyerto ang LFDC na pinamagatang ‘Isang Gabing pagmamahal sa kulturang Pilipino’. Ang malilikom na pera ay magsisilbing tulong sa nasabing pagsasaayos ng Letran gym.
(Naunang inilathala sa aming Buwan ng Wika Espeyal na Isyu.)