Ingles, Susi ng Talino?: Isang Pagninilay sa Buwan ng Wika

By: Andrea Eleanor Cabaron
August 31, 2023
2996

Artwork by Vince Allen Atienza of The LANCE.

Ang Buwan ng Wika ay hindi lamang isang pagdiriwang ng mga salita at wika, ito rin ay isang panahon ng pagninilay at pagpapahalaga sa ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino. Sa pamamagitan nito, naipapakita natin ang halaga ng mga katutubong wika at kung paano ito ay sumasalamin sa ating kultura at kasaysayan. Subalit, sa kabila ng mga pagpapahalagang ito, hindi natin maiiwasan na may mga pagkakataon tayo kung saan mas pinipili nating gamitin ang Ingles kaysa sa sarili nating wika. 

Simula pa noong kindergarten, kadalasang gamitin ang wikang ingles sa pagtuturo at pagsasagot sa loob ng classroom. Dahil dito, mas natutunan nating mga Pilipino na maghayag gamit ang ingles. Itinatak ito sa atin gamit ang paniniwalang magbibigay ito ng daan sa pakikipag-ugnayan sa mga dayuhan at sa global na komunidad. Sinanay tayo sa ingles, upang madagdagan ang ating kakayahan na makaunawa at makapagpahayag ng mga ideya sa internasyonal na antas. Ito ay isang pangako na mas magiging malawak ang oportunidad para sa mga Pilipino ang magtrabaho at mag-aral sa ibang bansa.

Samakatuwid, karamihan ng mga Pilipino ay naniniwala na ang susi sa katalinuhan ay ang pag-unawa at dire-diretsong pagsasalita ng ingles. Ngunit nagreresulta ito ng kolonyal na mentalidad sa sarili nating mga wika, hinuhubog tayo ng paniniwalang ito na hindi kayang makipagsabayan ng ating katutubong wika sa larangang pang-akademiko at lohikal. 

Sa pagdating ng Buwan ng Wika, pagkakataon ito na tayo'y muling magmulat at magmasid sa mga implikasyon ng ating paniniwala ukol sa wika, partikular na ang paniniwala na ang paggamit ng Ingles ay isang sukatan ng katalinuhan. Sa kabila ng pagiging malaya nating bansa, hindi natin maikakaila na may mga paniniwalang patuloy nating kinakalakip sa paggamit ng wika, at ito'y nagdudulot ng malalimang epekto sa ating mentalidad bilang isang malayang bansa.
 

Katalinuhan sa Pagsasalita ng Ingles: Isang Pag-iisip na Umani sa Panahon ng Kolonyalismo.

Isa sa mga nagiging hamon ng Buwan ng Wika ay ang pagkilala at pagtangkilik sa ating mga katutubong wika. Subalit, sa kabila ng mga pagsisikap na ito, hindi mawawala ang katotohanan na may mga pagkakataon tayong nagkakaroon ng paniniwala na mas mataas ang halaga ng pagsasalita ng Ingles kaysa sa pagsasalita ng Filipino. Ito'y isang mentalidad na umani sa atin mula sa panahon ng kolonyalismo.

Sa pag-iral ng mga dayuhan sa bansa, ang Ingles ay naging tanda ng edukasyon, katalinuhan, at sosyal na estado. Ito ay nauugnay sa mga kaalamang hatid ng mga dayuhan at sa mga pribilehiyong kinabibilangan ng mga may kaalaman sa Ingles. Sa mga panahong ito, ang pagsasalita ng Ingles ay naging sukatan ng mataas na antas ng katalinuhan, samantalang ang pagsasalita ng sariling wika ay inuugnay sa kababaang antas ng edukasyon.

 

Ang Ating Wika ay Wika ng Kalayaan

Bilang isang malayang bansa, nararapat nating alalahanin na wala nang dayuhan na nagmamasid sa atin at nagmamando. Ngunit, sa kalaunan, parang ating naipamana ang pagpapahalaga sa pagsasalita ng Ingles bilang tanda ng talino. Sa mga paaralan, hindi ba't nadarama natin ang pagkainggit sa mga bata na magalang at magaling magsalita ng Ingles? Sa mga trabaho, hindi ba't may mga pagkakataon tayong nasilaw sa mga taong dire-diretso magsalita ng Ingles?

 

Ang Pagbabago ay nasa ating Kamalayan

Ang pag-unlad ng wika at mentalidad ay nagsisimula sa ating kamalayan. Kung naniniwala tayo na ang pagsasalita ng Ingles ang tanging sukatan ng talino, nagiging sanhi ito ng hindi pantay na pagtingin sa ating mga sariling kakayahan. Napipilitan tayong maging dayuhan sa sarili nating bansa at hindi natin mapapahalagahan ang yaman ng ating kultura at kasaysayan.

Sa Agosto, Buwan ng Wika, nararapat nating pairalin ang isang makabuluhang pagbabago sa ating pananaw. Ang pagsasalita ng sariling wika ay hindi dapat maging sukatan ng kahinaan kundi isang tagumpay. Ang katalinuhan ay hindi lamang nasusukat sa pagpapahayag ng Ingles kundi pati na rin sa pag-angkop sa sariling wika at pagpapahalaga sa ating kultura.

Higit sa lahat, ang malayang bansa ay dapat ding magkaroon ng malayang isipan. Hindi tayo dapat magpatangay sa mga paniniwalang nagdudulot ng pagkababa ng ating pagkakakilanlan. Ang Buwan ng Wika ay isang pagkakataon na magbukas ng isipan at puso, upang maunawaan na ang katalinuhan at pagkakakilanlan ay hindi nagmumula sa dayuhan, kundi nagmumula sa loob ng bawat isa sa atin.

Comments